
Hindi pa nakatatanggap ang lahat ng mga guro ng kanilang Performance Based Bonus (PBB) para sa taong 2023.
Ayon kay Benjo Basas ng Teachers Dignity Coalition, maliit na halaga pa lamang ang nailalabas hanggang kahapon batay sa Special Allotment Release Order (SARO) mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa kabila nito, gumugulong na aniya ang PBB para sa National Capital Region (NCR) na mapakikinabangan ng mga guro kalaunan.
Para sa 2026, nasa P1.38 trillion ang inaasahang budget para sa sektor ng edukasyon na pinakamalaki sa kasaysayan ng Pilipinas.
Una na itong tinawag ni Senate Committee on Basic Education Chairman Bam Aquino na tunay na education budget.
Makatutulong aniya ito sa pagtugon sa malawakang kakulangan sa mga silid-aralan at pagpapabuti ng nutrisyon ng mga estudyante.
Kabilang sa tinaasan ng pondo para sa 2026 ang pagpapatayo ng mga classroom at school based feeding program para sa nutrisyon ng mga mag-aaral.
Tinatayang nasa mahigit kalahating trilyong piso ang kinakailangan para maresolba ang problema sa mga kulang na silid aralan.









