Nilinaw ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin Jr., na walang permiso ang mga sasakyang pandagat ng China na makapasok sa Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ).
Kasunod na rin ito ng ulat na isang Xiang Yang Hong 14 ang nasa malapit sa Reed o Recto Bank na umalis ng China noong July 22, at dumating noong August 6, 2020.
Ayon kay Locsin, wala siyang natatandaang pinayagan ng Pilipinas na makapasok ang anumang sasakyang pandagat sa teritoryo ng bansa maliban na lang kung may permiso ito.
Wala ring presensiya ng Philippine Coast Guard (PCG) sa lugar na kadalasang nangyayari.
Sa ngayon, pinapabusisi ni Locsin sa Department of Foreign Affairs Office of Asian and Pacific Affairs (ASPAC) ang ulat na ito.
Nakakapagtaka kasi aniya kung anong ginagawa ng sasakyang pandagat ng China sa eksklusibong teritoryo ng Pilipinas.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi lalahok ang Pilipinas sa maritime drills sa West Philippine Sea kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.