Satellite-based technology, isinulong sa Senado para sa mas maayos na internet connection

Iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan ng paggamit ng satellite technology bilang alternatibong solusyon sa pagkakaroon ng mas maasahang internet connection.

Ayon kay Gatchalian, mahalaga ito lalo na sa mga malalayong lugar sa bansa na walang imprastraktura ng mga telecommunications companies.

Ang mungkahi ni Gatchalian ay nakapaloob sa inihain niyang Senate Bill No. 2250 o ang panukalang “Satellite-Based Technologies for Internet Connectivity” Act of 2021.


Paliwanag ni Gatchalian, maaaring magamit ang satellite upang makakuha ng internet signal mula sa Internet Service Provider (ISP) na magkokonekta sa mga gumagamit ng internet.

Sa paglalarawan ni Gatchalian, ang ISP ang magpapadala ng fiber internet signal sa satellite na nasa kalawakan kung saan gamit ang satellite dish ay ito ang pagkukunan ng signal ng modem upang magkaroon ng koneksyon sa internet.

Ikinakalungkot ni Gatchalian, na marami pa rin ang hindi gumagamit ng digital technology sa bansa sa kabila ng pagkakaroon ng iba’t ibang virtual platforms na naging paraan para mabawasan ang pisikal na interaksyon magmula noong magkaroon ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments