Satellite communication inilagay ng Philippine Army sa mga lugar na apektado ng Bagyong Odette

Nag tayo ang Philippine Army ng satellite communications sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong “Odette” na nawalan ng regular na cellphone at internet service.

Ayon kay Philippine Army Commanding General Mgen. Romeo Brawner, nakapa-deploy na sila ng satellite phone at VSAT (Very Small Aperature Terminal) sa Headquarters ng Western Command sa Puerto Princesa, Palawan, at tatlong VSAT sa Visayas Command (VISCOM).

Ang isang VSAT sa Mactan airbase ay nagagamit na para sa internet connection, habang ang dalawang VSAT sa VISMIN Headquarters sa Lahug, Cebu City ay naitayo na kahapon.


Maliban pa ito sa mga regular na satellite phone, VSAT at radio communications na gamit ng iba’t ibang Army units sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay Mgen. Brawner, ang komunikasyon ay mahalagang bahagi ng Humanitarian and Disaster Relief (HADR) efforts sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.

Kaya naman prayoridad nila ang paglalagay ng communication facilities sa mga kritikal na lugar habang hinihintay na makabalik ang serbisyo ng mga telecom companies.

Facebook Comments