Satellite registration sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ at MGCQ, sinimulan na ng COMELEC

Muling sinimulan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagsasagawa ng satellite registration.

Ito’y sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), Modified General Community Quarantine (MGCQ) at iba pang bahagi ng bansa na wala nang ipinapatupad na quarantine status.

Sa inilabas na abiso ng COMELEC, binago na rin nila ang oras ng pagpapatala mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.


Ito’y mula Lunes hanggang Biyernes kung saan hindi tulad noong mga nakalipas na buwan ay hanggang alas-3:00 ng hapon at Lunes hanggang Huwebes lamang.

Gaganapin ang pagpapatala sa mga tanggapan ng election officer na nakakasakop sa lugar habang tuwing Sabado naman sa mga satellite registration sites.

Ang satellite registration ay pagpapatala sa mga lugar na labas sa tanggapan ng COMELEC na kanilang itatakda tulad ng mga eskwelahan, basketball court o kaya mga shopping mall.

Sa inilabas din na panuntunan ng COMELEC, pinapayagan ang satellite o offsite registration kung ang mga magpapatala ay nasa 200 katao o higit pa pero ang mga pagdarausan ay hindi pag-aari o inuupahan ng sinumang nakapuwesto sa gobyerno o kaanak ng mga pulitiko.

Ipinagbabawal din na ang pagdarausan ng pagpaparehistro sa eleksyon 2022 ay kontrolado ng isang partido political o ng isang religious group.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang offsite o satellite registration sa mga lugar na nasa ilalim ng lockdown habang ipinaalala nila ang mahigpit na pagsunod sa health at safety protocols.

Facebook Comments