Binuksan ngayon ang opisina ng Bureau of Quarantine (BOQ) sa Mall of Asia (MOA) para tugunan ang pangangailangan sa pagbabakuna ng mga ba-biyahe palabas ng bansa.
Kasunod ito ng pagpapasinaya sa BOQ Satellite Vaccination Center sa ikalawang palapag ng north parking building ng MOA.
Bahagi pa rin ito ng layuning masunod ang minimum health public protocols sa harap ng pandemya.
Pangunahing magiging papel ng binuksang pasilidad ang pagbibigay ng kailangang bakuna sa mga bibiyahe sa ibayong dagat kabilang na ang laban sa polio at yellow fever.
Kasama rin dito ang pagbibigay ng World Health Organization (WHO) International Certificate of Vaccination and Prophylaxis na inilunsad din ngayong araw para sa mga papaalis na pasahero.
Inilunsad din ng BOQ ang One Health Pass, isang platform o sistema para sa lahat naman ng bagong dating na pasahero sa bansa na layong maging automated ang health declaration checklist at maging simple ang proseso na magagamit ng mga ahensiya ng gobyerno sa pagtugon sa mga umuuwing Pilipino.