SATISFACTION RATINGS | Mga kritiko, dapat bigyan ng pagkilala ang Pangulo dahil sa muling pagtaas ng ratings nito

Manila, Philippines – Iginiit ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles na dapat pa ngang bigyan ng credit ng mga kritiko ang Pangulong Duterte matapos ang lumabas na survey kung saan muling tumaas ang ratings ng Presidente.

Batay sa SWS survey mula December 8 hanggang 16, umangat ng 10 puntos o 58% ang net satisfaction ratings ng Pangulo mula sa 48% noong Setyembre.

Sinabi ni Nograles na dapat aminin ng mga kritiko na talaga namang maraming nagawa at accomplishments ang Pangulo na siyang dapat din na kilalanin ng mga taga-oposisyon.


Ilan sa mga ito ang kakatapos na APEC Summit sa Vietnam kung saan mas lalong napagtibay ang alyansa ng mga bansa partikular sa China at Russia at sa pagtulong sa mga biktima ng Marawi crisis, ang matagumpay na ASEAN Summit kung saan nag-host ang Pilipinas at napirmahan ang ASEAN Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers gayundin ang pagtaas ng investment rating ng bansa.

Kung titingnan aniya ang mga nakamit ng bansa mula ng maupo si Pangulong Duterte sa pwesto ay ipinapakita lamang ng mataas na ratings nito na epektibo siyang lider ng bansa.

Hiniling din ni Nograles sa mga kritiko na tigilan na ang pagbanat sa war on drugs ng Duterte administration na nakakaapekto umano sa pag-unlad ng ekonomiya dahil hindi naman ito totoo.

Facebook Comments