Saudi Arabia, maghihigpit na sa patakaran sa pag-aanunsyo ng domestic labor services sa harap ng online scams

Plano ng Ministry of Human Resources and Social Development o MHRSD ng Saudi Arabia na higpitan ang pag-aanunsyo ng mga serbisyo para sa domestic labor.

Layon nito na bigyan ng proteksyon ang mga manggagawa at para masugpo ang mga mapanlinlang na advertisement sa social media.

Sa inilabas na draft ng Saudi Arabia na tinatawag na “Regulations for Advertising Domestic Labor Services,” ipinagbabawal ang paggamit ng pangalan at logo ng naturang tanggapan, gayundin ng mga kaugnay na platform tulad ng Musaned at Ajeer sa anumang uri ng advertisement.

Bawal na rin ang pagpo-post ng larawan o video ng mga manggagawang naghahanap ng job transfer.

Tanging resume na aprubado ng mismong manggagawa ang pinapahintulutan.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang group interviews, diskriminasyon base sa lahi, relihiyon, sahod o iba pang batayan.

Hindi rin dapat ipasa sa mga manggagawa ang anumang bayarin kaugnay sa service transfer, at ang lahat ng transaksyon ay dapat lamang idaan sa opisyal na Musaned platform.

Ang mga regulasyong ito ay ipatutupad sa lahat ng recruitment agencies, service providers, advertisers, at maging sa mga indibidwal—citizens man, residents, o businesses—na nag-aanunsyo sa anumang platform gaya ng social media, SMS, email, apps, at billboard.

Facebook Comments