Manila, Philippines – Umabot na sa 37 indibidwal ang naitatalang nasawi matapos malunod simula nang pumasok ang summer season.
Ito ay batay sa datos ng PNP National Monitoring Center.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Superintendent John Bulalacao, pinakamarami sa mga nasawi ay na-monitor sa region 4A na umaabot ng 10 indibidwal.
Walo naman ang nalunod at napatay sa Region 3, sa Region 2 ay anim, sa Region 5 ay apat, Region 13, ay tatlo, sa Region 11, ay dalawa habang tig-iisa sa Region, 1, 4B, 6, at Region 7.
Paalala naman ni General Bulalacao sa mga nagbabakakasyon na tumutungo sa mga resorts na maging maingat, alerto at kung hindi marunong lumangoy huwag nang maging adventurous upang hindi mapahamak.
Samantala maliban sa 37 nasawi sa pagkalunod, isa rin ang nasawi dahil sa vehicular accident sa Region 2 , isa ay nasawi dahil nakuryente sa Region 11 habang isa ay nasawi dahil sa paglubog ng bangka sa Region 6.
Patuloy naman nakamonitor at nagbabantay ang PNP sa mga nagbabakasyon ngayong panahon ng bakasyon upang matiyak na magiging masaya at ligtas ang publiko lalo na ang mga bakasyunista.