Agusan del Norte – Nasawi ang isang pulis matapos lumaban sa mga miyembro ng New People’s Army nang tangkain dukitin ng mga NPA sa Santiago, Agusan del Norte.
Kinilala ni CARAGA Regional Director C/Supt Gilbert Cruz ang nasawing pulis na si SPO3 Reil Mejaris Morgado na naka-assign sa Santiago Municipal Police Station.
Batay sa police report, bandang 8:30 kagabi, napansin ng pulis na may mga umaaligid na kahinahinalang tao sa harapan ng kanyang bahay kaya’t lumabas ito na bitbit ang kanyang baril.
Nang makita ng mga suspek na armado si SPO3 Morgado, bigla nalang nilang pinaputukan ang pulis na tinamaan ng ilang ulit sa katawan.
Pero nakaganti ng putok si Morgado bago ito binawian ng buhay, at nagsitakas Ang 10 mga suspek sakay ng 4 na motorsiklo, na tangay ang baril ng pulis.
Sa inilunsad na hot pursuit operation ng Regional Mobile Force Battalion 13, naaresto ang 3 sa mga suspek na kinilalang sina Renato F. Caerlang, 34 years old; Ryan James M. Caerlang, 18 years old; at Riedel C. Cabello, 26 years old, pawang mga residente ng P-8, Brgy. Poblacion, Santiago, Agusan del Norte.
Sa isinagawang imbestigasyon, natuklasan na mga miyembro ng NPA Ang mga suspek na tinangkang dukutin ang biktima para ipatubos sa pamahalaan ka palit ng pagpapatigil ng Martial Law sa Mindanao.