SAWI | Truck maintenance worker, pinagbabaril patay

36

Manila, Philippines – Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilang suspek sa Aduana Compound, Slip zero Pier dos, Tondo, Manila pasado alas-2:00 ng madaling araw kanina.

Nakilala ang biktima na si Noel Tan na nagtatrabaho bilang truck maintenance worker at nakatira sa 036 Damayan St. Dalandanan, Valenzuela.

Nagawa pa siyang isugod sa Gat Andres Hospital nang kanyang 2 kasamahan pero idineklara na itong dead on arrival.

Ayon kay PO2 Reyzen Del Rosario, tama ng bala ng baril sa tagiliran at kaliwang binti ang tumapos sa buhay ng biktima.

Walang nakasaksi sa krimen pero base sa kwento ng mga tao sa lugar ay bigla na lamang silang nakarinig ng mga putok ng baril.

Wala ring kuha ng CCTV sa mismong pamamaril.

Samantala, nakuhanan naman ang biktima ng mga drug paraphernalia na kinabibilangan ng water pipe, foil at lighter.

Patuloy ang imbestigasyon ng Manila Police District Homicide Section sa naturang krimen.

Facebook Comments