SC, handa na sa pagbuo ng Office of the Judiciary Marshals sa susunod na taon

Handa na ang Korte Suprema sa pagbuo ng Office of the Judiciary Marshals sa susunod na taon.

Ito ang inihayag ng Korte Suprema sa isingawang year-ender press briefing sa pangunguna ni Chief Justice Alexander Gesmundo kasama sina Senior Associate Justice Marvic Leonen at Justices Japar Dimaampao at Jose Midas Marquez.

Ayon kay Justice Marquez, mag-a-appoint sila ng mamumuno rito bilang chief marshal kung saan makakasama niya ang tatlong deputy marshals na mangangasiwa sa Luzon, Visayas at Mindanao.


Kasunod nito ay bubuuin na ang iba’t ibang opisina o tanggapan ng Office of the Judiciary Marshals.

Aniya, walang nakikitang problema ang Korte Suprema sa pagbuo ng nasabing tanggapan kung saan may inilaan rin na pondo para dito sa ilalim ng General Appropriations Act.

Ang Office of the Judiciary Marshals ang naatasan upang mag-imbestiga sa hindi pa nareresolbang kaso ng pagpatay sa mga hukom sa loob ng 20 taon.

Matatandaan na nitong April 2022, naisabatas ang RA No. 11691 o ang Judiciary Marshals Act upang matugunan ang mga nagaganap na pag-atake o ibang krimen laban sa mga miyembro ng judiciary at iba pang court personnel.

Facebook Comments