SC, humiling sa COMELEC na resolbahin ang reklamo ng dating gobernador ng Negros Oriental

Inutusan ng Korte Suprema ang Commission on Elections (COMELEC) na resolbahin ang reklamo ni dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong nakalipas na halalan.

Ito ay matapos sang-ayunan ang petition for mandamus na iniharap ng dating gobernador laban sa kabiguan ng poll body na pigilin ang pagkandidato ng isang nuisance candidate sa gobernatorial race ng lalawigan.

Sa labing-limang pahinang desisyon, pinagpapaliwanag ng kataas-taasang hukuman ang COMELEC kung bakit hindi naaksiyunan ang pag-disqualified kay Grego Degamo, gayung napagpasyahan na sa 2nd division ang pagdedeklara sa kaniya bilang nuisance candidate.


Nagwagi sa halalan si Gov. Pyre Henry Tevez sa botong 301, 319; pangalawa si ex-governor Degamo na nakakuha ng 281,773 boto at pangatlo ay si Grego Degamo na nakatipon ng 49,953 boto.

Tinukoy ng petitioner na sa mga nakalipas na ruling ng Supreme Court, ang boto ng nuisance candidate ay awtomatikong “kinakarga” sa boto ng kaniyang kapangalan o kaapelyido na lehitimong kandidato.

Dahil sa naturang jurisprudence, naniniwala si dating Gov. Degamo na siya ang tunay na nagwagi sa gubernatorial race ng Negros Oriental.

Facebook Comments