Nagpadala na ng liham ang Korte Suprema sa pamunuan ng People´s Television Network Inc., o PTV 4 para sa hirit na magkaroon ng live media coverage sa pagbababa ng hatol sa Maguindanao massacre case sa December 19.
Sa isang pahinang liham ni Supreme Court spokesman Atty. Brian Hosaka kay PTV 4 General Manager at CEO Julieta Claveria Lacza, mismong ang Supreme Court (SC) ang humirit sa Government TV Network na magkaroon ng live television coverage ng promulgation ng naturang kaso.
Nais ng SC na ang PTV 4 ang magsisilbing medial-pool na magbibigay ng signal o feed para sa ibang media na magko-cover din ng naturang court proceedings.
Sakaling pumayag ang pamunuan ng PTV 4, makikipagpulong ang Supreme Court PIO sa naturang government station para maplantsa ang magiging live coverage.
Nauna na ring humirit sa Supreme Court ng live media coverage ang National Union of Journalists of the Philippines o NUJP, Center for Media Freedom and Responsibility, at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at iba pang media networks.