Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon na humihiling na atasan ang Commission on Elections (Comelec) na maglabas ng implementing rules and regulation (IRRs) at magsagawa ng public consultation.
Ito’y sa usapin sa mapipiling election system na gagamitin sa national at local elections.
Sa pahayag ng SC En Banc, nabigo ang petisyon na maglabas ng katibayan na walang IRR para sa isasagawang automated elections sa ilalim ng R.A No. 9369 o Election Automation Law of 2007.
Nakitaan rin ng SC ang mga kamalian sa proseso ng paghahain tulad ng hindi pagsusumite ng proof of service, kawalan ng verification and certification against forum shopping, at kawalan ng competent evidence.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ang Kilusan ng Mamamayan Para sa Matuwid na Bayan, Capitol Christian Leadership, Buklod Pamilya Incorporated, Koalisyong Pangkaunlaran ng Mamamayan at walong iba pa.
Unang hiniling ng mga petitioner sa SC na ipag-utos sa Comelec na magpalabas ng IRR at magsagawa ng public consultations sa 15 mandatory minimum functional system capabilities para sa Automated Election System (AES).