Limang petisyon na may kaugnayan sa 2025 Midterm Elections ang inaksyunan ng Korte Suprema ngayong Martes, January 14.
Ayon sa Korte Suprema, naglabas sila ng Temporary Restraining Order (TRO) sa pag-disqualify ng Commission on Elections (COMELEC) kay dating Caloocan City Representative Edgar Erice para tumakbo bilang kinatawan ng lungsod.
Noong January 3 nang tuluyan nang ideklara ng COMELEC na “final and executory” ang pagkaka-disqualify sa dating kongresista sa pagkabigo ng Supreme Court (SC) na maglabas agad ng TRO dito.
Na-disqualify si Erice dahil sa mga pagpapakalat umano ng mga maling impormasyon at mga pahayag nitong kumukuwestiyon sa integridad ng South Korean firm na MIRU Systems Inc. na magsisilbing service provider sa darating na halalan.
Samantala, naglabas din ng TRO ang SC sa pagdedeklara bilang nuisance candidate kay Subair Guinthum Mustapha na naghain ng Certificate of Candidacy (COC) sa pagka-senador.
May TRO din ang SC sa pagdedeklara ng Comelec kay Charles Savellano bilang nuisance candidate na tumatakbo sa pagiging kinatawan ng Unang Distrito ng Ilocos Sur.
Habang ipinahihinto rin ng SC ang implementasyon ng Comelec resolution na nagbasura sa aplikasyon ni Chito Bulatao Balintay na tatakbo sana sa pagka-gobernador ng Zambales.
Ibig sabihin, inaatasan ng Kataas-taasang Hukuman ang Comelec na tanggapin ang COC ni Balintay.
Ganito rin ang hatol ng SC sa kaso ni Florendo de Ramos Ritualo, Jr. na kinansela ng Comelec ang kandidatura para tumakbo bilang konsehal sa Unang Distrito ng San Juan.