SC, pinasasagot ang Malakanyang at DND sa petisyong kumukwestyon sa legalidad ng martial law sa Mindanao

Manila, Philippines – Pinasasagot ng Korte Suprema ang Palasyo ng Malakanyang at ang Department of National Defense sa inihaing petisyon ng Minorya ng Kongreso na kmkwestyon sa legalidad ng deklarasyon ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.

Ayon sa ating sources mula sa SC, 5 araw ang ibinibigay nila sa Malakanyang at DND para sagutin ang petisyon ng minority block na binubuo nila Rep. Edcel Lagman, Tomasito Villarin, Gary Alejano, Emmanuel Billones, Teddy Baguilat at Edgar Erice na inihain kahapon.

Sa petisyon ng minority block iginiit ng mga ito na walang sufficient factual basis o sapat na basehan para sa pagdedeklara ng Batas Militar at para suspindihin ang privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao.


Hindi din sila kumbinsido na may nagaganap na pananakop o pag-aaklas sa Mindanao na tanging batayan na itinakda sa Konstitusyon para magdeklara ng Martial Law.

Pumalya din anila si Pangulong Duterte sa pagdedeklara ng Martial Law dahil ito ay mag-isa lamang niyang desisyon at walang rekumendasyon mula kay Defense Secretary Delfin Lorenzana o mula sa sinumang mataas na opisyal mula sa AFP.

Kasama sa mga pinangalanang respondent sina: Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary at Martial Law Administrator Delfin Lorenzana, AFP Chief of Staff at Martial Law Implementor Eduardo Año.

Kasunod nito isasalang ng Korte Suprema sa oral arguments ang petisyon na inihain ng mga mambabatas mula sa oposisyon na humihiling na mapawalang bisa ang idineklarang Martial Law sa Mindanao.
DZXL558

Facebook Comments