Sang-ayon si Liberal Party President at Albay 1st District Rep. Edcel Lagman sa pasya ng Supreme Court na ideklarang unconstitutional ang Republic Act 11935 na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Diin ni Lagman, ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman ay patunay na tama ang posisyon niya at ng ibang mambabatas na labag sa Konstitusyon ang pagpapaliban sa BSKE.
Giit ni Lagman, ang right of suffrage ng mga botante ay dapat igalang kaya dapat tiyaking nasusunod ang mga nakatakdang halalan sa bansa.
Suportado rin ni Lagman ang argumento ng High Tribunal na unconstitutional din ang paggamit sa pondong nakalaan sa ipinagpaliban na BSKE para sa pagtugon sa pandemya.
Subalit kahit labag sa Saligang Batas ang RA 11935 ay sang-ayon naman si Lagman na dapat pa rin ituloy ang BSKE sa October 30, 2023.
Sabi ni Lagman, ito ay kung masigurong isasagawa ang mga susunod na eleksyon sa unang Lunes ng 2025 at regular nang gaganapin kada tatlong taon.