SCAM GAMIT ANG PANGALAN NG BISE ALKALDE SA ILAGAN CITY, ISABELA, INIIMBESTIGAHAN NA

Cauayan City — Iniimbestigahan na ang insidente ng panloloko sa tanggapan ng Bise Alkalde ng Lungsod ng Ilagan matapos gamitin ng hindi pa nakikilalang indibidwal o grupo ang pangalan ng opisyal upang umorder ng produkto sa ilang lokal na establisyemento.

Ayon sa paunang ulat, kabilang sa mga nabiktima ng modus ang Jollibee Ilagan at Mercury Drug Store Ilagan.

Agad namang kumilos ang opisina ni Vice Mayor Jayve Diaz at nakipag-ugnayan sa Ilagan City Police Station at Regional Cybercrime Unit 2 upang imbestigahan ang insidente.

Layon ng imbestigasyon na matukoy at mapanagot ang nasa likod ng panlilinlang. Pinayuhan din ang publiko na mag-ingat at agad na ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang opisina o sa mga awtoridad.

Mariing babala ang ipinaabot ng Office of the Vice Mayor sa mga sangkot at sa mga may balak pang gumawa ng kaparehong panloloko ang paggamit ng pangalan ng opisyal ng pamahalaan para sa panlilinlang ay may kaukulang parusa sa ilalim ng batas.

Anila, hindi ito palalampasin at haharapin ng mga responsable ang buong bigat ng batas.
Hiniling din ng opisina ang kooperasyon ng publiko, lalo na sa mga nakakikilala o may impormasyon kaugnay sa numerong 0967-736-0275, isang unregistered GCash number na ginagamit umano sa scam.

Bukas ang opisina ng Bise Alkalde para sa anumang impormasyon na makatutulong sa isinasagawang imbestigasyon.

Facebook Comments