Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na hindi palalampasin ng Pamahalaan ang naitalang insidente ng pangunguha ng Chinese Coast Guard ng isda mula sa mga Pinoy na nangingisda sa Scarborough Shoal.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, naiparating na sa China ang pangyayari sa pamamagitan ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano matapos kausapin si Chinese Ambassador Xiao Jianhua.
Sinabi ni Roque na naniniwala sila na gagawa ng kaukulang hakbang ang China sa nasabing insidente at mismong si Ambassador Xiao ang nagsabi na taliwas sa polisiya ng China ang ginawa ng Chinese Coast Guard.
Sa kabila ng pagkumpirma ng mangingisdang iniharap ni Roque sa Media na si ginoong Romel Cejuela na kinukuha ng Chinese Coast Guard ang ilan sa kanilang huling isda ay hindi nila ito itinuturing na panghaharras.
Pero ang hiling lang aniya nila ay sana ay mabawasan na ang sapilitang pagkuha ng Chinese Coast Guard ng huli nilang isda at hintayin nalang ang kanilang ibibgay sa mga ito.
Naniniwala din naman si Cejuela na kontrolado parin ng China ang Scarborough Shoal kahit pa nakapangingisda na ang ilang Pilipinong mangingisda doon.