Inilabas na ng Supreme Court (SC) ang schedule para sa 2022 Bar Examinations.
Ayon kay Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, isasagawa ito sa mga sumusunod na araw; November 9, 13, 16 at 20.
Ang mga naturang petsa ay pinal na maliban na lamang kung may mga hindi inaasahang pangyayari na magreresulta sa re-scheduling.
Dagdag pa ni Caguioa, ipagpapatuloy nila ang paggamit ng Exemplify kasunod ng tagumpay ng kauna-unahang digitalized at localized 2020-2021 bar exams.
Sa ilalim ng naturang programa ay gagamitin ng mga examinees ang sariling device sa venue na kanilang pipiliin habang imomonitor ng mga in-person proctors at ng closed-circuit television cameras (CCTV).
Mababatid na nagtapos na ang aplikasyon para sa 2022 Bar Exams noong August 15.
Samantala, inabisuhan naman nito ang mga aplikante na ugaliing i-check ang kanilang BAR PLUS-registered email at accounts para sa listahan ng mga conditionally at unconditionally approved applicants.