Umapela ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Overseas Filipino Workers (OFWs) at sa kanilang mga dependent na mag-avail ng scholarship at livelihood programs ng ahensya para maibsan ang epekto ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, ang “Project EASE” o ang Educational Assistance through Scholarship in Emergencies ay walang deadline upang ang mga interesado at kwalipikadong anak ng mga OFW returnees ay masusustentuhan ang kanilang pag-aaral sa panahon ng krisis.
Sa ilalim ng programa, bibigyan ng cash grant na ₱10,000 kada taon sa loob ng apat na taon sa mga qualified OFW dependents sa college level.
Nasa ₱400 million ang inilaang budget ng OWWA para sa unang taon ng implementasyon nito.
Bukod dito, ang OWWA ay mayroong “Education Development Scholarship Program” na mayroong 400 scholars, pero ang mga OFW-dependents ay kailangang pumasa sa qualifying exam na isasagawa ng Department of Science and Technology (DOST).
Mayroon ding OFW Dependents Scholarship Program (ODSP) para sa mga anak ng “low-income” Filipino workers abroad na kumikita ng $600 kada buwan.
Dagdag pa ni Cacdac, mayroon ding “Tulong Puso” group livelihood assistance para tiyaking naipapatakbo ng mga OFW ang kanilang negosyo.
Samantala, ang Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa displaced OFWs ay magpapatuloy kasunod ng paglagda ng Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 Act.