Manila, Philippines – Pinakaunang panukalang batas na inihain sa Senado para sa 18th Congress ay ang full government scholarship para sa mga nais maging doktor.
Ang medical scholarship bill na tinatakan bilang Senate Bill No. 1 ay ini-akda ni Senate President Tito Sotto III na kaunahan din sa mga naghain ng panukala bilang pinaka-senior sa mga senador.
Nakapaloob sa panukala na sasagutin ng Department of Health (DOH) at ng mga State Colleges and Universities ang matrikula ng mapipiling iskolar sa kursong medisina.
Kasama sa babalikatin ng gobyerno ang kanilang gastos sa laboratoryo, miscellaneous fees, libro, shool supplies, mga kagamitian, uniporme, travel expenses, board and lodging at iba pa.
May tsansang mabigyan ng scholarship ang mga estudyante na pasado sa national medical admission test, kasama sa top 20 ng graduating batch at hindi kayang pag-aralin ng kanilang pamilya.
Pero ang nabanggit na scholarship ay may kaakibat na kundisyon na hindi sila maaring magtrabaho sa abroad sa loob ng limang taon pagka-graduate kung saang dalawang taon nito ay dapat nilang ilaan sa mga ospital o medical facilities na pinapatakbo ng pamahalaan.
Diin ni Sotto, tugon ang kanyang panukala sa 2014 data ng Philippine Medical Association na kapos ng halos 1-milyong doktor ang Pilipinas dahil karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho sa ibang bansa.