Cauayan City, Isabela – Nagsimula nang tumanggap ng aplikante ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Region 2 para sa Education for Development Scholarship Program o EDSP ngayong buwan ng Hunyo hangang buwan ng Hulyo.
Ayon kay Ginang Luzviminda Tumaliuan, ang pinuno ng Education and Training Unit ng OWWA Region 2, ang naturang scholarship ay isa lamang sa anim na scholarship program ng OWWA kung saan ay para sa mga kapatid ng mga OFW’s na walang asawa at para sa mga anak ng OFW’s na papasok na papasok sa kolehiyo.
Paliwanag pa ni Ginang Tumaliuan na lahat ng aplikante ay kailangang magpasa ng katibayan na siya ay anak o kapatid ng OFW tulad ng kopya ng OWWA Membership at birth certificate.
Ang mga aplikante umano ay kinakailangang sumailalim sa isang eksaminasyon ng Department of Science and Technology o DOST, kabilang sa bente porsyento ng graduating class, mayroong good moral character at kopya ng grado sa grade 11.
Aniya apat hanggang limang kurso ang maaring kunin ng bawat kwalipikado na aplikante kung saan ay mabibigyan ng Php30,000 na pambayad sa tuition fee bawat semester na direktang ibibigay naman sa papasukang paaralan ng scholars at kung sakali umano na may sobra sa naturang halaga ay ibibigay mismo sa estudyante pagkatapos ng semester.
Idinagdag pa ni Ginang Tumaliuan na ang mga makukuha sa nasabing programa ay dapat na makapasa sa apat na raang porsyento ng DOST exam sa buong bansa.
Samantala para umano sa iba pang programa ng OWWA may kaugnayan sa scholarship ay mas mainam na magsadya mismo sa kanilang tanggapan upang mas maipaliwanag ng husto ang mga patakaran at alituntunin ng bawat programa.