Pinamamadali na ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbibigay ng scholarship sa mahigit 1,000 anak ng mga mangingisda sa Aborlan, Palawan na apektado ang kabuhayan dahil sa gusot sa West Philippine Sea.
Bukod dito ay isinulong din Romualdez ang paglalagay ng ice plant at gasolinahan sa Aborlan bilang tulong sa mga mangingisda sa lugar.
Una rito ay lumapit sa tanggapan ng ACT-CIS Extension Office sa Palawan ang mga lider ng mahigit sa 600 mangingisda sa Aborlan para humingi ng tulong at ipaabot ang kanilang problema sa West Philippine Sea.
Agad itong ipinarating nina ACT-CIS partylist Reps Erwin Tulfo at Edvic Yap kay Speaker Romualdez na siyang tumatayo bilang caretaker ng 3rd district ng Palawan matapos pumanaw si Rep. Edward Hagedorn.
Daing ng mga mangingisda, apektado na ang kanilang pamumuhay dahil sa mas malalaking mga bangka ng China na patuloy na nakakaapekto sa kanilang kabuhayan.
Bilang tugon ay makikipagkonsulta si Romualdez kay Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez para mabigyan ng mas malalaking bangka ang nabanggit na mga mangingisda.