School break, pinag-aaralang ibalik sa Marso – PBBM

Pinag-aaralan ng pamahalaan na ibalik ang school break sa Marso.

Sa isang radio interview, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na pinag-aaralan nila itong mabuti lalo’t marami ang nagsasabing pwede itong gawin dahil tapos na ang lockdown at face-to-face na ang klase.

Unang pinalutang ni Senate Committee on Basic Education Chairperson Sherwin Gatchalian ang ideyang ibalik ang bakasyon tuwing summer season dahil naaapektuhan ng mainit na panahon ang pag-aaral ng mga estudyante.


Kasunod ito ng insidente sa Cabuyao, Laguna noong Marso kung saan mahigit 100 estudyante ang hinimatay matapos ang isinagawang fire drill sa kainitan ng tanghali.

Aabot na rin sa 145 mag-aaral sa Occidental Mindoro ang napaulat na naospital dahil sa matinding init ng panahon na sinabayan pa ng krisis sa kuryente sa probinsya.

Samantala, suportado ng Alliance of Concerned Teachers ang pagbabalik ng pre-pandemic academic calendar.

Pero ang Department of Education (DepEd), nanindigang mananatili sa June-July ang bakasyon.

Facebook Comments