Hinikayat ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Health at Food and Drug Administration na magpagawa ng scientific study at komonsulta sa lokal at international medical experts.
Ayon kay Go, layunin nito na mabatid ang benepisyo at side effects ng Ivermectin bilang potensyal na gamot sa COVID-19.
Ginawa ito ni Go sa kaniyang pulong kina Health Secretary Francisco Duque III at FDA Director Eric Domingo.
Binanggit ni Go ang sinabi ni Domingo na hindi iligal ang paggamit ng Ivermectin na rehistradong ‘human-grade’ o pang-tao basta’t sumunod sa proseso na nakapaloob sa ating mga batas at patakaran na sisiguro sa safety at efficacy nito.
Nilinaw naman ni Go na hindi niya itinutulak ang paggamit ng Ivermectin o anumang gamot pero hiling niya sa pamahalaan na maging bukas sa dayalogo at mungkahi para sa paghahanap ng lunas sa COVID-19.
Ang importante dito para kay Go ay maging mas proactive tayo, huwag pahirapan ang mga nais tumulong at klaruhin din ang mga patakaran para masigurong ligtas at epektibo ang mga gamot na pwedeng gamitin ng mga tao.