*Santiago City- *Tuluyan nang sinampahan ng kasong swindling at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isang Scottish National kasama ang kanyang live-in partner na Pinay matapos ireklamo ng mga online seller na biktima sa Mangandingay, Cabarroguis,Quirino.
Nakilala ang suspek na sina Michael Byres 33-anyos, scottish national, heavy equipment operator at pansamantalang nanirahan sa Winston St. Buendia, Makati City habang ang kanyang live-in partner ay nakilalang si Michaela Rianne Pinto Agbayani, aka Mikay Agbayani, 23-anyos na residente ng Purok 4, Mangandingay, Cabarroguis, Quirino.
Inireklamo ni Ruby Bautista, nasa tamang edad, negosyante at residente ng Lungsod ng Santiago na umorder ang mga suspek sa kanya sa pamamagitan ng online selling ng isang unit ng cellphone na nagkakahalaga ng P67,000 at iba pang gadgets na nagkakahalaga sa kabuang P150,000.
Labis na ipinagtaka umano ng nasabing negosyante na sa kabila nang natanggap na ng mga suspek ang kanilang mga order na gadgets ay hindi pa naihulog ang mga bayad nito.
Kung kaya’t agad silang nagpasaklolo sa presinto Uno ng Santiago City Police Office o SCPO at PNP Cabarroguis, Quirino upang puntahan ang mga suspek sa kanilang kinaroroonan.
Sa pagtugon ng pulisya ay narekober ang ilang mga gadgets sa bahay ni Agbayani.
Samantala, sa pag-aresto kay Byres ay nakita umano ng isang sibilyan na may nakitang itinapon itong isang pakete ng pinaniwalaang shabu.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maj. Edgar Pattaui, hepe ng PNP Cabarroguis. posibleng maharap sa patung-patong na kaso ang dalawang maglive-in partner dahil sa kanilang modus operandi at iligal na droga.
Si Byres ay pansamantalang nakapiit sa PNP Cabarroguis habang si Agbayani ay nasa kustudiya ng Presinto Uno habang inihahanda pa ang iba pang kaso matapos magdagsaan sa kanilang himpilan ang iba pa nilang mga nabiktima.
Sa hiwalay na panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maj.Reynaldo Maggay, Station #1 Commander ng SCPO ay inaalam pa nila kung mayroon itong standing warrant of arrest dahil mayroon pa aniyang kinakaharap ang mga ito na kasong pagnanakaw sa Makati City.