Sa halip na isailalim ang lahat ng evacuees sa COVID-19 testing, iminungkahi ng Department of Health (DOH) na magsagawa na lamang ng screening at monitoring ng sintomas.
Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi sapat ang resources ng pamahalaan para i-test ang lahat ng evacuees para sa virus.
Dapat aniya paganahin ang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) sa mga apektadong lugar para gawin ang symptoms screening para maiwasan ang pagkalat ng virus sa mga evacuees.
Inirekomenda rin ni Vergeire ang pagkakaroon ng safety officer sa evacuation areas para i-monitor ang mga evacuees na nagpapakita ng sintomas at agad silang mailipat sa hiwalay na evacuation site.
Pinag-aaralan na ng DOH kung paano mapapalakas ang infection control lalo na sa mga evacuation centers lalo na at mabilis kumalat ang virus sa mga matatao at siksikang lugar.