Ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang pagbuo ng screening committee na siyang pipili ng bubuo ng konseho ng Bamban, Tarlac matapos na mabakante ang 8 pwesto ng konsehal dahil sa ipinatupad na tatlong buwang suspensyon ng Office of the Ombudsman dahil sa pagkaka-ugnay ng mga ito sa pagtatayo ng iligal na POGO sa lugar.
Ayon kay Abalos, ang tatlong konsehal ay may kinabibilangang partido pulitikal, kung kaya’t ang mga ito ang syang magno-nominate ng hahalili mula din sa kanilang partido.
Habang ang limang konsehal na walang kinaaanibang partido ay ang screening committee ang bahalang humanap nang kapalit na magsisilbing konsehal ng Bamban ng tatlong buwan.
Matapos naman ang suspensyon kay Vice Mayor Leonardo Anunciacion ito na ang magsisilbing alkalde ng Bamban base na rin sa rules of succession habang si Eraño Timbang ang magiging bise alkalde.
Paliwanag ni Abalos, layon nitong hindi mabalam ang serbisyo sa mga taga-Bamban, Tarlac.
Samantala, sinabi ni Timbang na itutuloy nya ang magagandang programa para sa mga taga-Bamban kahit pa tatlong buwan lamang siya magsisilbing alkalde ng lalawigan.