Mas maghihigpit pa ang Bureau of Immigration (BI) sa screening sa mga dayuhang pumapasok sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dana Sandoval, tagapagsalita ng Bureau of Immigration (BI) na ang hakbang na ito ay upang maiwasang makapasok sa bansa ang mga iligal na dayuhan na karaniwan ay nasasangkot sa iba’t ibang krimen.
Layunin din aniya nitong mahinto na ang kriminalidad na kinasasangkutan ng ilang dayuhan lalo na ang mga nagtatrabaho sa POGO o Philippine Offshore Gaming Operations.
Nakikipag-ugnayan na aniya sila sa mga awtoridad, sa katunayan ay katuwang sila sa mga isinasagawang raid o operasyon laban sa mga POGO site kung saan marami sa mga POGO worker ay nadiskubreng walang dokumento habang ang iba ay overstaying na sa Pilipinas.
Kaya naman sinabi ni Sandoval na ikinakasa na nila ang paghahain ng kaso o deportation proceedings laban sa mga nahuling illegal alien at overstaying individuals.
Sinabi pa ni Sandoval na magtutuloy-tuloy lamang ang kanilang mga operasyon katuwang ang mga awtoridad laban sa mga dayuhang iligal na nananatili sa bansa.