Patong-patong na kaso ang kinahaharap ng isang lalaki sa Australia na nagmaneho ng kotseng puno ng tubig papunta sa tindahan ng mga alak.
Humarap sa korte si Michael Alexander Philippou, 28, may-ari ng YouTube channel na RackaRacka, nitong Enero 15 kaugnay ng “scuba driving” stunt.
Sa nag-viral na video na inilabas ng akusado noong Enero nakaraang taon, ipinakita nilang magkakaibigan ang Ford Laser na isinaayos upang umandar kahit kargado ng tubig.
Suot-suot ang goggles at scuba diving regulators, pinatakbo ng YouTuber ang kotse na naging agaw-atensyon sa daan.
Nitong Disyembre, naglabas ng panibagong video sa channel na nagpapakita naman ng pagdakip sa kanila ng pulisya kaugnay ng ginawa nilang eksena.
Sinampahan si Philippou ng ilang paglabag kabilang ang driving in a reckless or dangerous manner, driving an unregistered vehicle at failing to wear a seat belt.
Sa pagdinig nitong Miyerkules kung saan dumagsa sa labas ng korte ang ilang taga-suporta, sinabi ng YouTuber na wala siyang ipinag-aalala.
“I’m confident as always. I’ve been ready for this. We’ve been training hard for this. It will be quick,” pahayag niya sa ABC.
Nakatakda ang sunod na paglilitis sa Pebrero.