Nanindigan ang pamunuan ng Schools Division Office 1 Pangasinan na hindi naantala ang pagbibigay ng pasahod at monetary incentives sa mga guro ngayong Disyembre.
Ito ay matapos ang kumakalat na hinaing ng ilang indibidwal sa social media na umano’y nagpaskong walang panghanda dahil sa naantalang pagbibaigay ng mga monetary incentives.
Sa opisyal na pahayag ng pamunuan, sumahod umano ang mga guro ng nasa tamang petsa para sa unang cutoff noong Disyembre 15 habang mas maaga naman naibigay ang pasahod para sa ikalawang cutoff noong Disyembre 22.
Samantala, base naman sa magkaibang Budget Circular mula sa Department of Budget and Management, itinakda naman na hindi mas maaga sa Disyembre 15 ang distribusyon ng Service Recognition Incentive habang hindi mas maaga sa Disyembre 31 ang pagbibigay ng Productivity Enhancement Incentive.
Dahil dito, parehong ipinamigay ang mga incentive noong Disyembre 26.
Nasa P10,000 kada personnel ang first tranche ng SRI ng bawat personnel habang P5, 000 naman ang PEI.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng tanggapan na isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga guro sa naturang petsa ng disbursement. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










