Pinakawalan sa dalampasigan ng San Juan, La Union ang isang bagong batch ng sea turtle hatchlings bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap para sa pangangalaga at konserbasyon ng yamang-dagat.
Isinagawa ang naturang aktibidad sa Coastal Underwater Resource Management Actions (CURMA), kung saan ligtas na pinakawalan ang mga pawikan patungo sa karagatan matapos ang wastong pagbabantay at pangangalaga mula sa kanilang pagkakapisa.
Ayon sa mga tagapangasiwa, mahalaga ang ganitong mga gawain upang mapataas ang survival rate ng mga pawikan, na itinuturing na endangered species, at mapanatili ang balanse ng marine ecosystem sa mga baybaying lugar ng lalawigan.
Patuloy namang hinihikayat ang publiko na makiisa sa pangangalaga ng karagatan sa pamamagitan ng paglaban sa polusyon, pagrespeto sa mga protected areas, at pag-uulat ng anumang ilegal na aktibidad na nakakaapekto sa yamang-dagat.








