Seaman sa Lalawigan ng Ifugao, Positibo sa COVID-19

Cauayan City, Isabela- Nagpositibo sa corona virus ang isang 26-anyos na seafarer o seaman mula sa Brgy. Piwong, Hingyon, Ifugao ngayong araw.

Batay sa ulat ng Municipal Health Office ng Hingyon, setyembre noong nakaraang taon pa nananatili sa bayan ang nasabing pasyente hanggang sa bumalik ito sa Metro Manila nitong Hunyo 8 para sa kanyang trabaho sa barko.

Bago ito, simula unang araw ng Hunyo ng magtungo naman ito sa Bayan ng Lagawe para sa kanyang nakalaang dental examination at pagpapagupit ng buhok.


June 5, nagtungo naman ito sa Pagayape, Cababuyan South sa Bayan ng Hingyon at muli itong nagtungo kinabukasan sa kanyang dentista para muling magpatingin ng kanyang ngipin.

June 9 ng isailalim sa swab test ang pasyente hanggang sa nagpositibo ang resulta ng RT-PCR nito at naitalang asymptomatic o walang sintomas ng COVID-19.

Samantala, nagpositibo naman ang tatlo sa rapid test na kabilang sa labindalawang (12) may close contact sa pasyente habang tatlo naman ang negatibo subalit kinuhanan na rin agad ng specimen para sa confirmatory test ng RT-PCR.

Hinihintay naman ang iba pang resulta ng rapid test sa natitirang nakasalamuha ng nagpositibong pasyente.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng isang ospital sa Maynila ang pasyente.

Nagtulong-tulong naman ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa isinisagawang contact tracing.

Pinag-iingat naman ang publiko lalo na sa barangay piwong para maiwasan ang banta laban sa nakamamatay na sakit.

Facebook Comments