
Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation matapos lumubog ang isang motorbanca sa bahagi ng Davao Occidental.
Batay sa inilabas na Notice to Mariners ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Davao Occidental, huling namataan ang MBCA Amejara kahapon ng hapon sa karagatang sakop ng Sarangani.
Ayon sa PCG, may sakay na kabuuang 15 indibidwal ang lumubog na bangka, kabilang ang 11 pasahero at apat na tripulante.
Kaugnay nito, inabisuhan ang lahat ng sasakyang pandagat at mga mangingisda na dadaan sa Davao Gulf at mga kalapit na lugar na maging mapagmatyag sakaling mamataan ang mga sakay ng bangka.
Hiniling din ng PCG sa publiko na tumulong kung kakayanin at agad na ipaalam sa pinakamalapit na Coast Guard unit sakaling may makitang palatandaan ng mga nawawalang sakay.










