Patuloy ang ginagawang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) sa labing-dalawang (12) tripulanteng Pinoy at dalawang pasahero na sakay ng fishing boat na Liberty 5.
Sa inilabas na pahayag ni Commodore Armand Balillo, tagapagsalita ng PCG, nasa Mamburao, Occidental Mindoro na ang BRP Boracay para sa nasabing operasyon habang karagdagang rescue teams mula Batangas Port ang papunta na sa area para tumulong.
Nagtungo na rin sa pinangyarihan ng insidente ang islander plane at airbus twin engine helicopter ng PCG para sa nasabing rescue operations.
Base sa insiyal na report na nakalap ng PCG, nangyari ang insidente kahapon ng umaga kung saan nagka-banggaan ang sinasakyang fishing vessel ng mga Pinoy na Liberty 5 at ang isang Hong Kong flag cargo vessel na MV Vienna Wood na mayroong 20 crew.
Ang nasabing cargo vessel na wala naman laman ay mula sa Subic papunta sanang Australia habang ang bangka naman ng mga mangingisdang Pinoy ay naka-base sa Cagayan De Tawi-Tawi at papunta sana ng Navotas Port.
Sa kasalukuyan, ang Hong Kong cargo vessel ay inalalayan ng barko ng PCG papunta sa Batangas Port para sa karagdagang imbestigasyon.