Ipinahayag ngayon ni Philippine Coast Guard Commandant Vice Admiral George Ursabia Jr. na search and retrieval operations na ang kanilang ginagawa sa mga nawawalang sakay ng FV Liberty 5 na nabangga ng Hong Kong flag cargo vessel na MV Vienna Wood sa karagatan na sakop ng Occidental Mindoro.
Sa isang panayam kay Vice Admiral Ursabia, natapos na ang ilang araw na paghahanap sa mga mangingisda ng FV Liberty 5 kung saan maaaring patay na ang mga sakay nito.
Ipinaliwanag din ng opisyal na hindi na nagtangka pa ang mga crew ng MV Vienna Woods na balikan ang FV Liberty 5 dahil nakita nila na may ilang mga malilit na bangkang mangingisda ang rumesponde rito.
Aniya, lumayo lang din ang cargo vessel para hindi na makapinsala pa bangka ng FV Liberty 5 at sa kanilang pag-iimbestiga, maayos naman ang radar at safety equipment ng MV Vienna Woods.
Natapos na rin ng Coast Guard ang imbestigasyon sa crew ng MV Vienna Woods at kanila naman kinukuha ang mga pahayag ng mga mangingisda na rumesponde sa insidente.
Dagdag pa ni Vice Admiral Ursabia, nakatakda naman sampahan ng kasong kriminal ang opisyal ng cargo vessel na nakabangga sa bangka ng mangingisda na kasalukuyang nananatili sa Batangas Port.
Samantala, handa naman magbigay ng tulong pinansiyal ang PCG sa pamilya ng 14 na sakay ng FV Liberty 5 kung saan maaaring magtungo ang kaanak ng mga mangingisda sa tanggapan ng Coast Guard.