Search and retrieval operations sa bumagsak na Black Hawk helicopter sa Tarlac, nahinto kahapon

Nahinto kahapon ang isinasagawang search and retrieval operations sa bumagsak na Black Hawk helikopter sa Capas, Tarlac.

Ang dahilan ayon kay Philippine Air Force (PAF) Spokesperson Lt. Col. Maynard Mariano ay dahil sa malakas na pag-ulan kahapon ng hapon.

Pero sa ngayon aniya, tuloy-tuloy na ang search and retrieval operations at sa katunayan ay humingi na sila ng technical assistance sa pribadong kompanya na Polskie Zaklady Lotnicze (PZL) Mielec Lockheed Martin Global Incorporated para sa mas mabilis na imbestigasyon sa insidente.


Personal din na tumungo kahapon sa Tarlac si PAF Commanding General Lt. Gen. Allen Paredes para tingnan sitwasyon sa pagsasagawang search and retrieval operations.

Naipaalam na rin sa pamilya ng mga piloto at crew ng bumagsak na helicopter ang nangyari sa kanilang kaanak at tiniyak ng pamunuan ng PAF na makakatanggap ng tulong mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga naiwang pamilya.

Sa pagbagsak ng helicopter, tatlong piloto at tatlong crew ang nasawi.

Sila ay nagsasagawa ng night flight proficiency training sa Capas, Tarlac nang mangyari ang trahedya.

Facebook Comments