Search and retrieval operations sa mga sakay ng Liberty 5, ipagpapatuloy ng PCG

Magpapatuloy pa rin ang ginagawang search and retrieval operations ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga sakay ng FV Liberty 5 matapos na mabangga ng Hong Kong-flagged cargo vessel na MV Vienna Woods sa karagatang sakop ng Mamburao, Occidental Mindoro.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, magpapatuloy ang search and retrieval operations hanggang Martes, July 7.

Isang team sa Mamburao ang kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng operasyon habang ang BRP Boracay ay patuloy na naghahanap sa karagatang sakop ng Binaybay Shoreline, Paluan Bay sa Occidental Mindoro.


Tutulong na rin ang Coast Guard Sub-Station Abra de Ilog at Coast Guard Sub-Station sa Sablayan sa isinasagawang search and retrieval operations.

Bukod dito, naghahanda na rin ang Philippine Air Force (PAF) patungong Mamburao Airport upang magpatuloy ng aerial surveillance.

Magsasagawa rin ng seaborne patrol ang Philippine National Police (PNP) Maritime Group upang mahanap ang mga nawawalang mangingisda.

Sa ngayon, inihahanda na ng PCG ang isasampang kaso laban sa mga crew ng MV Vienna Woods na kasalukuyang nananatili sa Batangas Port.

Facebook Comments