Search operation sa 7 nawawalang mangingisda sa Pangasinan, tuloy ayon sa PCG

Ipinagpatuloy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search operation sa pitong mangingisda na una nang napaulat na nawawala sa Pangasinan simula pa noong January 14.

Sa inisyal na impormayon, sakay ng kanilang fishing boat FB Narem 2 ang pito at pumapalaot sa karagatang sakop ng Barangay Hermosa, Dasol sa Pangasinan para mangisda noon pang January 6.

Pero ayon sa may ari ng banka na si Christine Macaraig, hindi na nakabalik pa ang mga ito sa Infanta, Pangasinan na dapat sana ay noon pang January 14.


Lulan ng naturang bangkang pangisda ang kapitan nitong si Alberto Roldan kasama ang anim na crew na sina Roderick Montemayor, Homar Maglantay, Ejay Dela Cruz, Jerome Maglantay, Larry Legaspi, at Jefferson Bernabe.

January 13 pa ganap na alas dos-y-medya ng hapon nang magkaroon ng huling komunikasyon ang may ari ng bangka na si Macaraig sa kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng kanilang radio communications.

Sa huling paguusap, nakasagupa umano ang bangka ng malalaking alon sa laot na tinatayang 13 talampakan ang taas.

Huling naitalang lokasyon ng grupo ay sa layong 60 nautical miles ng Camaso Island sa Dasol, Pangasinan.

Nag-palipad na ang PCG ng kanilang Islander plane para sa aerial surveillance sa Camaso Island.

Pumalaot narin ang multi-mission offshore vessel Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ang BRP Lapu-Lapu para sa joint maritime patrol and search operation.

Facebook Comments