Sec. Cimatu, mag-iikot sa paligid ng Manila Bay

Manila, Philippines – Mag-iikot ngayong araw si Environment Secretary Roy Cimatu sa mga establisyimento at mga negosyo sa paligid ng Manila Bay.

Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, isa sa mga maagang hakbang ng rehabilitasyon ay ang pag-inspeksiyon sa mga establisimyentong pinaghihinalaang nagtatapon ng dumi sa Manila Bay.

Aniya, aabot sa 100 establisimyento ang padadalhan ng DENR ng notice of inspection.


Kapag napatunayan aniyang may paglabag ang establisimyento, maaari silang ipasara at pagmultahin, depende sa bigat ng paglabag.

Nabatid na mayroong tatlong phase o bahagi ang rehabilitasyon ng Manila Bay.

Ang unang phase daw ay ang paglilinis sa mismong katubigan na tatagal ng tatlong taon.

Ang ikalawang phase ay may kinalaman naman sa “relocation, infrastructure and everything” na tatagal ng pito hanggang 10 taon.

Kasama rin sa ikalawang phase ang pagsilip sa koneksiyon ng mga kabahayan sa sewerage system ng Maynilad at Manila Bay.

Nakapaloob naman sa ikatlong phase ang “enforcement and sustainment,” pagpapakalat ng kamalayan ukol sa kalinisan ng Manila Bay at pagsasagawa ng mga pananaliksik.

Aabot sa P47 bilyon ang pondong kakailanganin para sa rehabilitasyon, na inaprubahan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments