
Sinita at sinermunan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang ilang tauhan ng kagawaran at isang pribadong kompanya sa Surigao del Norte.
Ito’y matapos niyang makita na hindi pa tapos ang ilang proyekto sa lugar kahit idineklara na itong kumpleto. Kabilang dito ang mga tulay ng Asinan at Maasin sa Pilar, na sinimulan noong 2021 at idineklarang tapos noong 2022, ngunit hindi pa pala lubos na nakukumpleto.
Ikinagalit din ni Dizon ang ulat na “patapos na” ang flood control project sa Barangay Tuburan, Del Carmen, kahit nasa 35% pa lamang ang nagagawa.
Agad niyang iniutos ang mabilisang pagtatapos ng mga proyekto habang iniimbestigahan ang dahilan ng pagkaantala. Kasama rin sa inaatasang imbestigahan ang contractor ng proyekto, na inuugnay umano sa isang lokal na opisyal sa lalawigan.









