Nanindigan si Health Secretary Francisco Duque III na walang pangako mula sa US-based pharmaceutical company na Pfizer na magbibigay sila sa Pilipinas ng 10 milyong doses ng COVID-19 vaccine sa susunod na buwan.
Matatandaang inihayag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na nagawa nilang makakuha ng 10 million doses ng Pfizer vaccine sa tulong ni US Secretary of State Mike Pompeo hanggang sa nagkaroon ng “dropped the ball.”
Bagama’t hindi binanggit ni Locsin kung sino ang tinutukoy niya, isiniwalat ni Senator Panfilo Lacson na si Duque ang nasa likod nito.
Ayon kay Duque, hindi nagbigay ang Pfizer ng tiyak na bilang ng vaccine supply sa Pilipinas sa kanilang mga nakaraang diskusyon.
Dumipensa rin si Duque sa mga akusasyong hindi siya kumilos agad hinggil dito.
Aniya, kailangang dumaan sa proseso at hindi dapat minamadali ito lalo na at ang pinag-uusapan dito ay bagong bakuna.
Bahagi ng kanyang overriding principle bilang isang medical professional at doktor ay mag-ingat.