Sec. Duque, nanindigang hindi sangkot sa mga anomalya sa PhilHealth

Nanindigan si Health Secretary Francisco Duque III na wala siyang kinalaman sa mga iregularidad sa PhilHealth.

Kasunod ito ng pagkadismaya ng ilang mambabatas sa hindi niya pagkakasama sa mga inirekomendang kasuhan ng Task Force PhilHealth.

Sa interview ng RMN Manila, iginiit ng kalihim walang siyang “negligence” sa PhilHealth.


Bukod sa wala siyang pinirmahang anumang dokumento kaugnay ng kwestyonableng Interim Reimbursement Mechanism (IRM), halos apat na buwan na rin aniya siyang hindi nakakadalo sa mga board meeting dahil nakatutok siya sa kinahaharap na state of public health emergency ng bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.

“Walang negligence, Ely. Pa’no tayo magkakaroon ng negligence meron tayong vice chair. Mula 2019 e ni hindi nga voting member ang chairman at gaya nga ng sinabi ko, nagkaroon tayo ng state of public health emergency, malinaw ang dahilan kung bakit hindi ako nakaka-attend [board meeting ng PhilHealth]. Kampante naman ako na may bagong Presidente na full trust ni Presidente Rodrigo Duterte so tiwala naman ako,” ang pahayag ni Duque.

Kasabay nito, umapela ang kalihim sa kongreso na huwag ipitin ang budget ng Department of Health (DOH) lalo na sa panahong ito ng pandemya.

“Wala naman tayong magagawa, basta tayo sasagot lang nang sasagot, magpapaliwanag. Wag naman sana iipitin ang budget ng DOH dahil sa ganitong panahon, kinakailangan talaga ang suporta ng DOH sa pagtugon sa pandemya. Ang bigat ng problema natin, baka hindi naiintindihan ng iba,” saad ng kalihim.

Facebook Comments