Sec. Esperon, pinayuhang basahin ang konstitusyon para sa pagpapasya kaugnay kay Gen. Parlade

Para kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, dapat basahin ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC Vice Chairman at National Security Adviser Hermogenes Esperon ang Article XVI, Section 5, paragraph 4 ng 1987 Constitution.

Ito ay para pagbasehan ng pagpapasya sa magiging kapalaran ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., bilang tagapagsalita ng task force.

Payo ito ni Lacson kasunod ng pahayag ni Esperon na rerepasuhin nila sa loob ng isang linggo ang isyu sa pagiging NTF-ELCAC spokesperson ni Parlade.


Sa tingin ni Lacson, hindi kailangan ng isang linggo para pag-aralan ang usapin sa posisyon ni Parlade.

Giit ni Lacson at ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, malinaw sa konstitusyon na hindi maaaring humawak ng civilian position ang katulad ni Parlade na nasa aktibong serbisyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Malinaw ayon kay Drilon na walang ibang opsyon na maaaring ikunsidera para kay Parlade kundi ang tanggalin ito sa naturang posisyon.

Facebook Comments