Sec. Galvez, inaming walang mabilhan ng Tocilizumab dahil sa global supply shortage

Hirap ang pamahalaan na makakuha ng Tocilizumab na isang gamot pang-rayuma subalit nakatutulong sa panggagamot sa COVID-19.

Sa taped ‘Talk to the People’, ini-report ni National Task Force o NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte na wala silang mapagbilhan ng gamot dahil sa kakulangan ng suplay sa buong mundo.

Sa katunayan, ipinabatid na nila sa ating Swiss ambassador at sa manufacturer nito na Roche pero wala namang nangyari dahil sa taas talaga ng demand ng gamot sa ngayon.


Maliban dito, iniulat ni Galvez na lumiham na sila sa ating embahada sa Switzerland upang hilingin na i-prayoridad ang pagde-deliver ng 30,000 vials ng Tocilizumab sa Pilipinas at nakipag-ugnayan na rin sila sa iba pang supplier nito.

May nauna nang pahayag ang Department of Health o DOH na nagsasabing inaasahan nilang magiging limitado ang suplay ng Tocilizumab hanggang Disyembre ngayong taon.

Facebook Comments