Sec. Galvez, pumalag sa akusasyon ni Sen. Raffy Tulfo na may katiwalian sa decommissioning ng mga armas sa mga dating miyembro ng MILF

Pumalag si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr., sa paratang ni Senator Raffy Tulfo na may bahid ng katiwalian ang decommissioning process sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Nag-ugat ang alegasyon ni Tulfo sa report ni Galvez sa pagdinig ng Senado dahil sa tingin ng senador ay hindi tumutugma ang bilang ng mga combatants na sumuko na nasa mahigit 26,100 habang nasa mahigit 4,600 lamang ang mga armas na na-decommission.

Sinabi ng senador na naglabas pa ng napakalaking pondo rito ang pamahalaan na tinatayang nasa P2.6 billion kung saan tig-P100,000 ang ipinagkaloob sa mga nagbalik loob sa pamahalaan.


Pero minasama ni Galvez ang alegasyon ng senador dahil tahasan na ang akusasyon sa mayroong korapsyon sa kanila at hindi tama ito.

Iginiit ni Galvez kay Tulfo na maipagmamalaki niyang walang katiwalian sa decommissioning at sila ay sumusunod lamang sa kasunduan kaya hindi sila dapat sabihan na mga korap.

Handa naman ang kalihim na patunayan sa susunod na pagdinig na hindi pinagkakakitaan ang decommissioning dahil siya mismo ang nagpapatupad nito.

Facebook Comments