Pinag-iingat ni Health Secretary Ted Herbosa ang publiko laban sa mga heat-related illnesses na karaniwang nararanasan ngayong panahon ng summer o tag-init.
Paliwanag ni Herbosa, ang mga heat-related illnesses ay iyong pananatili sa initan ng araw sa mahabang oras na nagreresulta sa dehydration o sobrang pagka-uhaw, heat exhaustion, heat fatigue at heat stroke o pagkahimatay dahil sa sobrang init.
Babala ni Herbosa, kapag nauwi sa heat stroke ay delikado ito na maaaring mauwi sa pagkamatay.
Payo ng Kalihim, oras na makaramdam ng mga nabanggit na sintomas ay agad na mag-hydrate o uminom ng tubig, mag-cool down para pahupain ang nararamdamang init o humanap ng malilim at malamig na lugar.
Gayunman, kung galing aniya sa sobrang init na lugar ay huwag agad iinom ng sobrang malamig na tubig o pupunta agad sa napakalamig na lugar dahil mayroon din itong side effects sa katawan ng tao.