Manila, Philippines – Dinipensahan ng Palasyo ng Malacañang ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Secretary Gringo Honasan bilang bagong kalihim ng Department of Information and Communications Technology o DICT.
Matatandaan na kahapon ay nanumpa na si Honasan kay Pangulong Duterte at dumalo na sa naganap na Cabinet meeting kagabi.
Mayroon kasing mga kumukwestiyon sa kwalipikasyon ni Honasan na pamunuan ang DICT.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, nakausap niya si Honasan kagabi sa cabinet meeting at sinabi aniya nito na itinalaga siya ni Pangulong Duterte hindi dahil sa kanyang expertise sa Communications Technology kundi dahil sa expertise niya bilang isang manager.
Sinabi ni Panelo, mayroong degree si Honasan si Asian Institute of Management o AIM na isang prestihiyosong institusyon.
Binigyang diin pa ni Panelo na mayroong expertise si Honasan na magpatakbo ng departamento.
Nabatid na batay sa Republic Act No. 10844 ay kailangan na ang itatalaga bilang secretary ng DICT ay mayroong hindi bababa sa 7 taong expertise sa alinman sa sumusunod: Information and Communications Technology, Information Technology Service Management, Information Security Management, Cybersecurity, Data Privacy, E-Commerce or Human Capital Development in the ICT Sector.